Nadakip na ang security guard na suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang Grade 7 sa loob ng silid-aralan sa Calamba, Laguna noong nakaraang linggo. Ayon sa pulisya, inamin umano ng suspek na selos ang dahilan kaya napatay niya ang biktima.

Ayon kay Police Colonel Eleazar Matta, hepe ng Calamba police, nadakip ang suspek na si Renando Valderrama sa Barangay Bucal sa Calamba matapos maghanap ng pagkain.

"May pag-amin na rin siyang ginawa na through jealousy nga... Umamin naman siya," sabi ni Matta, patungkol sa pagbaril ng suspek sa biktimang si Mark Anthony Miranda.

"Bale pumapatak two to three days pa lang namin siyang mina-manhunt... Ang reason nga niya nagutom, nauhaw kaya siya bumababa. Nagbigay yata siya ng message na until the last ano ng bata, gusto niyang makita 'yung bata," dagdag ni Matta.

Nakuha rin umano sa suspek ang baril na ginamit sa pagpatay sa biktima, at ilang patalim.

Nagtatrabaho bilang security guard si Valderrama sa isang establisimyento pero nag-AWOL noong July 1, at hindi umano isinauli ang kaniyang baril na ginagamit sa trabaho.

Kinumpirma rin ng pulisya na nakatira ang biktima sa bahay ng suspek.

Nagkakilala umano ang dalawa noong Marso at nag-alok umano ang suspek na ampunin ang biktima at pag-aaralin dahil walang magulang na nag-aalaga rito.

Noong June 15, naglayas umano ang biktima at nagpatulong sa isang kaibigan.
Nagreklamo ang biktima na inabuso umano siya ng suspek.

Pinababalik umano ni Valderrama ang biktima pero tumanggi ito hanggang sa mangyari na ang krimen.-- FRJ, GMA News