Wala pang isang minuto, naisagawa ng mga kawatan na miyembro ng "martilyo gang" ang pagtangay sa mga alahas sa isang tindahan sa Biñan, Laguna na aabot umano ang halaga sa P8 milyon.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA "24 Oras" nitong Lunes, nakunan sa CCTV ang pag-atake ng mga suspek na aabot sa anim katao sa isang palengke sa Biñan.

Bumunot ng baril ang isa sa mga kawatan, habang minamartilyo ng isa pang kasama ang babasaging estante kung saan naka-display ang mga alahas.

Matapos nito, mabilis nilang isinilid sa sako bag ang mga alahas.

Hindi naman nakapalag ang ibang mga tao sa paligid dahil may dala ring mahabang armas ang isa pang suspek.

Kaagad na tumakas ang mga suspek sakay ng tatlong motorsiklo at hindi na sila inabutan ng mga rumespondeng pulis.

Ayon sa may-ari ng tindahan, hindi siya nagpasindak at sinita pa raw niya ang mga suspek habang ginagawa ang krimen. Pero hindi siya pinakinggan ng mga ito at tinutukan siya ng baril nang batuhin niya.

"Nung binato ko sila ng isang beses tinutukan ako. Napadapa ako nang ganyan," kuwento ng may-ari.

Walang sariling guwardiya ang naturang tindahan ng alahas pati na ang katabi nitong upwesto.

May persons of interest na raw ang pulisya lalo pa't nahagip ng CCTV ang mukha ng mga suspek.

Para hindi na maulit ang naturang pangmamartilyo, gagawin na umanong requirement sa lugar ang paglalagay ng metal bars sa mga estante ng mga jewelry store.

"Lahat ng may-ari ho dito kakausapin ko sila at kapag hindi sila sumunod ay kakausapin ko ang mayor na huwag nang i-renew ang kanilang permit," ayon kay P/Lt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng Biñan Police.--Dona Magsino/FRJ, GMA News