Nahuli sa entrapment operation ang isang supek sa panggagahasa ng menor de edad sa Laguna, at na-rescue naman ang kaniyang biktima.

Sa ulat ng Unang Balita nito Biyernes, kinilala ang target na si Jimwell de Leon alyas “We-We” na taga-Pila, Laguna.

Pinosasan agad ng mga operatiba si De Leon at sinagip ang kasama niyang 13-anyos na babae na dalawang beses na umanong ginahasa ng suspek.

Ayon sa ulat, ikinasa ang operasyon dahil na rin sa sumbong ng mga magulang ng biktima.

"Natuklasan ng magulang na kakaiba ang ikinikilos ng bata nung mga nakaraang araw, naging matamlay at takot na takot," pahayag ni Laguna Provincial Police Office-Public Information Officer Police Maj. Jojo Sabiniano.

Bago nadakip si De Leon, tinangka pa umano nitong gahasain ulit ang dalagita.

Nahulihan din ng apat na pakete ng hinihinalang shabu ang suspek.

Mahaharap ang suspek sa reklamong rape at gayundin sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Wala pang pahayag ang naarestong suspek. —LBG, GMA News