Dalawang lalaking nanghuhuli lang ng gagamba ang napatay matapos daw silang mapagkamalang police asset sa San Pablo City, Laguna, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Kuwento ng dalagitang kasama ng mga biktima, isang lalaki ang lumapit sa kaniya at tinutukan siya ng baril at pagkatapos ay tinanong kung mga police asset ang kasama niya. Sa takot daw niya ay napa-oo siya.

Dito na raw nagpunta ang salarin sa ilalim ng tulay kung nasaan ang mga biktima. Ilang saglit pa ay narinig ang mga putok ng baril.

Tukoy na ng mga pulis ang salarin, ngunit hindi muna nila ito papangalanan.

Bukod daw sa pagpatay, sangkot din umano ang suspek sa robbery at droga sa lugar. —KBK, GMA News