Isang estudyanteng lalaki ang nasawi matapos na mapagtripan at saksakin ng isang grupo ng mga kalalakihan sa San Pablo, Laguna. Ang nanaksak, nahuli kinalaunan pero nanlaban daw sa mga pulis kaya napatay din.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "QRT" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Aeron Villaflores. Samantalang nang-agaw naman daw ng baril sa police station ang suspek na si Ariel Pangilinan, kaya napatay naman ng mga pulis.

Sa kuha ng CCTV noong Biyernes ng gabi, nakitang naglalakad sa kalye ang biktima kasama ang kaniyang mga kaibigan.

Maya-maya lang, bigla na silang sinugod ng grupo ni Pangilinan at pinagsusuntok. Lumaban naman ang grupo ng biktima.

Pero nang mapagtulungan ang isa sa mga kaibigan ni Villaflores,
sinubukan ng biktimang tumulong pero sinaksak siya sa likod ni Pangilinan.

Tinangka ring saksakin ng suspek ang kaibigan ni Villaflores pero suwerteng nakaiwas.

Nang tumakbo na ang grupo ni Pangilinan, dinala sa ospital si Villaflores pero binawian din ng buhay nitong Sabado.

Sa follow-up operation, nahuli ang tatlong nakaaway nina Villaflores, kabilang si Pangilinan na umamin na siya ang sumaksak sa biktima at napagtripan lang nila ang grupo nito.

Itinanggi naman ng isa sa mga suspek na kasama siya sa pambubugbog.

Pero habang kinukunan umano ng mugshot si Pangilinan, inagawan nito ng baril ang isang pulis at tumakbo palabas ng police station.

Nang habulin siya ng mga pulis, nanlaban daw ang suspek hanggang sa mapatay siya ng mga awtoridad. --FRJ, GMA News