Nadakip na ang lalaking suspek sa pagtangay sa isang bagong silang na sanggol sa isang klinika sa Gingoog City, Misamis Oriental nitong Linggo ng umaga.

Nitong Martes, kinilala ang mga awtoridad ang suspek na si Richard “Junjun” Bernades, 20-anyos. Nadakip siya sa tulong ng isang concerned citizen na nagbigay ng impormasyon tungkol sa kaniyang kinaroroonan.

Sa kuha ng CCTV sa klinika, nakita ang suspek na nagmamadaling tumakas kasama ang sanggol noong madaling araw ng Linggo.

Ayon sa mga awtoridad, nabawi rin ang sanggol at naibigay na ito sa kaniyang ina.

Pinuri naman ni Police Brigadier General Rafael Santiago, hepe ng Police Regional Office 10, ang Gingoog police sa mabilis na pagdakip sa suspek at pagsagip sa sanggol.

"I will personally congratulate the police personnel of Gingoog City for their immediate action and untiring efforts to recover the infant and arrest the suspect," sabi ni Santiago. — FRJ, GMA News