Umusok ang baterya at charger ng isang electronic cigarette o vape sa loob ng isang eroplano paglapag nito sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental, ayon sa ulat ng Unang Hirit nitong Biyernes.

Nagbababaan na raw ang mga pasahero ng Philippine Airlines nang biglang may umusok sa loob ng eroplano.

Ayon sa PAL, agad umaksyon ang kanilang cabin crew para hindi na kumalat ang apoy at usok mula sa nasunog na vape.

Wala rin naman daw nasaktan at wala ring nasira sa eroplano Na nasakyan pa raw ng mga pasaherong pabalik ng Maynila.

Iniimbestigahan na kung bakit nasunog ang baterya at charger ng vape kahit hindi naman ito ginagamit.

Hindi naman daw bawal ang pagdadala ng baterya at charger sa loob ng eroplano kaya malaya itong naipapasok.

Pero dahil sa nangyari, ire-review raw ng PAL ang rules and regulations sa mga bagay na puwedeng dalhin sa loob ng eroplano gaya ng e-cigarettes. —KBK, GMA News