Hindi bababa sa 15 katao ang iniulat na nasawi sa magkahiwalay na pagguho ng lupa sa Saranggani at Lanao del Sur nitong Biyernes ng madaling araw.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV, inihayag ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), na tumaas sa 10 ang bilang ng nasawi sa insidente ng landslide sa Barangay Poblacion sa Malapatan, Sarangani.
Inihayag ng mga awtoridad na mula sa dalawang pamilya ang 10 nasawi nang matabunan ng lupa ang kanilang mga bahay. Ilan sa mga biktima ay mga bata.
Isang 31-antos na lalaki naman ang nailigtas mula sa guho, at dinala siya sa ospital.
Ayon kay Malapatan Mayor Salway Sumbo Jr., sinabi ng purok chairman na hindi gaanong malalim ang pagguho at isinagawa ang rescue operation dakong 6:00 am.
May isang nakaligtas pero hindi pinalad na mabuhay ang ibang natabunan.
Ayon sa MDRRMO, posibleng nakapagpahina sa lupa sa lugar ang magnitude 7.8 na lindol na tumama noong Hunyo 8, 2026. Gayunman, magsasagawa pa rin sila ng pagsusuri sa lugar.
Dahil sa nangyari, plano ng provincial government na ilipat ng tirahan ang mga pamilyang naninirahan malapit sa pinangyarihan ng pagguho.
Nasa 115 pamilya mula sa dalawang barangay sa nasabing bayan ang apektado ng matinding pag-ulan.
Samantala sa Barangay Ngingir sa Calanogas, Lanao del Sur, limang tao naman ang nasawi at anim ang nawawala sa nangyaring pagguho rin ng lupa.
Sa hiwalay na ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV, sinabing dalawa pang biktima ang nasugatan sa kalamidad, na ayon sa Lanao del Sur Police Provincial Office (LDSPPO), ay dulot ng malakas na pag-ulan na naranasan sa lugar.
Nagpapatuloy naman ang search and rescue operations para sa anim pang pinaniniwalaang natabunan ng pagguho ng lupa kasama ang kanilang mga bahay.
Sinabi ng mga awtoridad na nahihirapan silang marating ang apektadong lugar dahil hindi na ito madaanan ng mga sasakyan
Patuloy pa ring tinataya ng mga awtoridad ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan at ang lawak ng pinsala.
“Hindi talaga inaasahan na ganoon ang mangyayari kasi dito sa Calanogan ang kailangan talaga dito sa amin ay slope protection. Tapos hindi masyado natitingnan ang highway kasi hindi ‘yan under sa BARRM eh, under yan sa DPWH 12 yata,” ayon kay Calanogas Mayor Abdul Hakim Benito. -- FRJ GMA News
