Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) na itinaas nito ang singil sa kuryente para sa mga residential customer ngayong Hulyo 2026.

Sa isang advisory nitong Biyernes, sinabi ng Meralco na may P0.3428 kada kilowatt-hour (kWh) na dagdag-singil ngayong buwan. Dahil dito, umakyat sa P14.8261 kada kWh ang singil para sa isang karaniwang bahay na mula sa P14.4833 kada kWh noong Hunyo.

Katumbas ito ng humigit-kumulang P69 na dagdag sa buwanang bayarin ng isang karaniwang bahay na kumokonsumo ng 200 kWh.

Ayon sa Meralco, pangunahing dahilan ng dagdag-singil ay ang pagtaas ng generation charge na umakyat ng P0.1800 kada kWh. Mula sa P9.0704 noong nakaraang buwan, magiging P9.2504 ito kada kWh bunsod ng mas mataas na presyo ng fuel.

Tumaas din ang singil mula sa Power Supply Agreements (PSAs) ng P0.2678, kaya umabot ito sa P8.8694 kada kWh, dahil sa patuloy na epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan sa pandaigdigang merkado ng enerhiya.

Umakyat naman ang presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa P8.0337 kada kWh, matapos maitala ang pinakamataas na demand sa kuryente sa Luzon na 14,534 megawatts (MW) noong Mayo 28, 2026.

Samantala, pinalawig ng Energy Regulatory Commission (ERC) hanggang Agosto 2026 ang suspensiyon sa paniningil ng P0.0371 kada kWh Green Energy Auction Allowance (GEA-All).

Ipinaliwanag ng Meralco na ang mga pass-through charges para sa generation at transmission ay direktang ibinabayad nito sa mga power supplier at sa operator ng power grid. Samantala, ang mga buwis, universal charges, at Feed-in Tariff Allowance na direktang ipinapadala sa pamahalaan.

Dagdag pa ng Meralco, hindi pa rin nagbabago ang distribution charge nito mula nang ibaba ng P0.0360 kada kWh para sa mga karaniwang residential customer noong Agosto 2022. —FRJ GMA News