Hinimok ng pinunong pastol ng Tagbilaran ang mananampalataya sa Bohol at sa buong mundo na pasiglahin ang espiritwal na aspeto ng buhay.

Ang mensahe ni Bishop Alberto Uy ay kaugnay sa dumaraming kaso ng pagpapatiwakal sa Bohol nitong mga nakalipas na buwan, at karamihan sa kanila ay mga kabataan.

Ayon sa Obispo, ang pananalangin ang mabisang pamamaraan na labanan ang kasamaan na lumaganap sa lipunan na sumisira sa pamilya at bawat tao.

"I inspire everyone, every Boholano family, every 6 o'clock maghiusa ta sa pag-ampo sa Angelus, mag-rosaryo ug kang San Miguel Arkanghel nga atong maglalaban [magkaisa tayo sa pananalangin ng Angelus, Santo Rosaryo at kay San Miguel Arkanghel]," panawagan ni Bishop Uy.

Naniniwala ang Obispo na sa sama-samang pagdarasal ay manumbalik ang sigla ng pagbubuklod-buklod ng pamilya at higit na magabayan ang bawat miyembro lalo na kung may mga pinagdadaanang suliranin.

Pahayag ng Obispo, ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng suicide (mahigit sampung kaso) ay maituturing na pakikipaglaban sa masamang espiritu na gumugulo sa mamamayan na bahagyang lumayo ang relasyon sa Panginoon.

Paliwanag ng Obispo, isang kumplikadong usapin ang suicide at wala itong partikular na mga dahilan kung bakit nagagawa ng tao ang pagpapakamatay sapagkat iba-iba ang suliranin na kinakaharap natin sa buhay.

Tinukoy niya ang ilan sa mga posibleng sanhi ng pagpapatiwakal ng tao: una ang kahirapan na kadalasang kinakaharap ng tao, mental health issues, at emotional issue na, aniya's posibleng nakaranas ng trauma ang isang tao mula pagkabata kaya't mahina ang emosyonal na aspeto na maaring sanhi ng agarang pagsuko sa bawat hamon.

Bukod dito ay binigyang-pansin din ni Uy ang kaso ng bullying, pagkalulong ng tao sa alak at ipinagbabawal na gamot at maging ang genetic o may mga kaanak noon na namatay din bunsod ng suicide.

Aniya, ang labis na stress dulot ng trabaho, gawi ng pamumuhay maging ang pagkainggit sa kapwa ay maaring magtulak din sa tao na magpakamatay.

Giit niya, maituturing na pinakamalaking sanhi dito ang kawalan ng panahon ng tao sa pakikipag-usap sa Panginoon at nakatuon lamang sa mga materyal at makamundong bagay.

Panawagan ng obispo, dapat magtulungan ang lahat ng sektor ng lipunan sa pagtugon sa kaso ng suicide na ayon sa World Health Organization 800,000 katao ang nagpapakamatay bawat taon o katumbas sa isang tao sa loob ng 40 segundo kayat labis na nakakabahala ang usapin.

"We need to address it in different perspective unya kinahanglan ni siya ug [kinakailangan nito ang] multi-approach, kinahanglan ni siya ug [kaialangan dito ang] collaborative effort," pahayag ni Bishop Uy.

Dahil dito, labis ang pasasalamat ng Obispo sa kagyat na pagtugon ng ilang indibidwal na nag-organisa ng grupong kinabibilangan ng health professionals, volunteers, at advocates, mga guro, magulang at kabataan na handang makiisa sa pagsugpo sa suicide.

Kabilang na rito ang PAGPAKABUHI (PAGhatag ug PAgtagad sa KAbililhon sa kinaBUHI): An Advocacy for Mental Health na layong umikot sa mga lugar sa Bohol upang magbigay ng seminar na makatutulong mapalalim ang kamalayan ng mamamayan sa mental health.

Ikinatuwa rin ni Bishop Uy ang pakikilahok ng mga kabataan na nag-organisa ng Project Bohol: Mental Health Awareness kung saan naglunsad ito ng mga numero na maaring matawagan ng mga taong nangangailangan ng makakausap.

"Nakatutuwa ang mga kabataan na kumikilos sila para matugunan ang problema dahil alam nila ang lenggwahe ng mga kabataan," saad ng Obispo.

Batay sa social media page ng Project Bohol maaring tumawag sa mga suicide prevention and emotional crisis hotlines sa PAGLAUM CENTRO BISAYA 09399375433, 09399365433, 09276531629 sa IN TOUCH COMMUNITY SERVICES INC naman sa 09228938944 habang sa NATIONAL CENTER FOR MENTAL HEALTH CRISIS HOTLINE naman sa 09178998727.

Bukas din ang mga madre sa Bohol na tumulong sa paglingap sa mga taong nangangailangan ng counselling at spiritual direction sa kanilang mga tanggapan o kombento at sa St. Joseph Cathedral sa Tagbilaran City.

Sa huli, hinimok ng obispo ang bawat mamamayan na palawakin ang pagbibigay ng oras sa pamilya upang mas makasalamuha ang mga miyembro nito lalo na ang mga kabataan na may kinakaharap na hamon sa buhay. —LBG, GMA News