Isang dalagang 18-anyos ang ginahasa umano ng isang bading na may-ari ng parlor sa Bacolor, Pampanga.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News TV “QRT” nitong Huwebes, giniit ng arestadong suspek na walang nangyaring rape.

Dinakip ng Bacolor, Pampanga police sa kasong rape ang 39-anyos na may-ari ng parlor na si Mitch Torres, Jr.

Ang biktima ay isang aplikante sa parlor ng suspek.

Ayon sa pulisya, nuong gabing maganapang krimen, niyaya ng suspek ang biktima sa kanyang parlor para mag-inuman.

Pero dahil hindi naman manginginom, agad daw nalasing ang biktima at doon na naganap ang krimen.

“Nung time na yun, napasigaw ako. Kaso kaagad niyang tinakpan ang bibig ko. Hindi na ako nakapaglaban. Hindi na ako nakasigaw,” sabi ng biktima.

Hindi raw ito totoo, ayon sa suspek.

“Hindi ko siya ni-rape, hindi ko siya pinwersa, kasi nagkasundo kami,” sabi ni Torres.

Ayon pa sa suspek, hindi naman talaga sila talo ng biktima. Nagkagustuhan lang daw talaga sila nuong gabing iyon.

“Ako sir, feeling ko, babae ako... Sa kwentuhan namin, parang tinamaan ako, kasi babae siya, tapos kwento-kwento kami. Dahil ganyan, try natin. Okay, sige ate. Pero hindi ko siya pinuwersa. Kasi kagustuhan niya 'yon,” sabi ni Torres.

Pero iba ang lumalabas sa pagsisiyasat.

“According dun sa kwento, nung gabi na 'yun nanduon ang boyfriend ng suspek. But mayroon yata silang gustong gawin. Unfortunately hindi nag-materialize. So parang na divert sa victim ang urge ng suspek,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Louie Gonzaga.

Kapulutan daw sana ng aral ang kasong ito ayon sa pulisya.

“Iba yung appearance nung tao sa puwede niyang gawin, and anybody has the potential to commit a crime. So let us not be judgmental,” sabi ni Gonzaga. —NB/FRJ, GMA News