Hindi lang marumi, kundi may kasama pa raw bulate ang tubig na lumalabas sa gripo sa Binmaley, Pangasinan, ayon sa ulat ni Ian Cruz galing sa GMA Regional TV Balitang Amianan sa Saksi.
Ginagamit ng mga residente ang tubig sa pagluluto, paghuhugas, paligo, paag-inom araw-araw. Kaya naalarma ang ilang residente.
Pero giit ng Binmaley Water District, walang bulate sa isinu-suplay nilang tubig.
Katatapos nga lang daw ng kanilang flushing sa Barangay Poblacion at Malindon.
“Feedback naman ng mga plumbers namin, wala naman silang nakitang kiti-kiti nga po na sinasabi nila. Nevertheless, iti-take down natin ‘yung complaint," sabi ni Louella Cano, Binmaley Water District technical and operation head.
Posible raw na may butas ang water pipe ng nagrereklamong residente kaya may mga sumasamang bulate sa tubig.
Magsasagawa raw sila ng inspeksyon sa lugar para maresolba ang problema. — BAP, GMA News
