Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 12 Chinese national na sakay ng isang barko na galing South Korea na may karga umanong toxic waste material na itatambak sa Zambales. Ang mga kargamento, mayroon umanong radioactive material na maaaring magdulot ng cancer.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing namataan ng surveillance team ng NBI Environmental Crime Division at GMA News na nag-a-unload ng kargamento ang dambuhalang foreign vessel sa mga naghihintay ng barge sa Cabangan Wharf sa nasabing lugar.
Ilang saglit pa, sumalakay na ang NBI sa pier at pumasok na rin ang Philippine Coast Guard at NBI sa barkong may dala ng kargamento.
Base sa impormasyon nakuha ng NBI, galing sa Korea ang tone-toneladang kargamento ng "phosphogypsum," na isang uri ng radioactive at toxic waste material.
Inilahad ng Environmental Protection Agency ng Amerika na isang uri ng radioactive waste mula sa paggawa ng fertilizer ang phosphogypsum. Naglalaman umano ito ng uranium, thorium, at radium, na mga radioactive metals na lumilikha ng isang uri ng radioactive gas na tinatawag na radon.
Masama umano sa kalusugan at puwedeng magdulot ng cancer ang exposure sa radioactive elements.
Ayon naman sa Centers for Disease Control ng Amerika, ang radon ang ikalawang nangungunang sanhi ng lung cancer.
Itatambak sana ang nakumpiskang 54,000 metric tons ng phosphogypsum sa isang pribadong lote sa Cabangan. Pero bago pa man dumating ang mga kargamento, may mga nauna nang naitambak na tone-tonelada ring phosphogypsum.
"Mahalaga ang operasyon na ito kasi po these shipment involves around 54,000 metric tons at ito po ay naglalaman ng mga toxic substance heavy metals na maaaring makapag-pollute ng ating environment," ayon kay Atty. Eric Nuqui, Chief, NBI Environmental Crime Division.
Sa kalagitnaan ng operasyon, dumating ang mga nagpakilalang broker ng Customs na sina Benjamin Bautista at Jesse Romano Sungaj, at ipinakita ang papel na inisyu umano ng Customs na clearance para sa kargamento.
Pero nabisto ng mga awtoriad na wala silang importation clearance mula sa Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR at hindi dumaan sa pagsusuri ang mga tila lupa na kargamento bago ibaba ng barko.
Dahil dito, dinakip ang 12 Chinese at dalawang nagpakilalang broker ng Customs ng PCG.
Tinungo ng GMA News ang nakalagay na consignee diumano ng phosphogypsum na Yori Yori Trading sa Rizal pero sarado ito.
"Nagpe-prepare po tayo ng kaso for violation of Republic Act 6969 o ating Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Act," ayon kay Nuqui.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
