Isang 21-anyos na lalaki ang arestado sa Danao City, Cebu matapos niyang mag-post sa Facebook ng gawa-gawang kuwento ng umano’y tangkang pagdukot sa kaniya ng mga lalaking sakay ng isang puting van.

Ayon sa ulat ni Victoria Tulad para sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinumpirma ng pulisya na hindi totoo ang kuwento ng lalaki.

Sabi ng suspek, inimbento raw niya ang kuwento dahil nais niyang mapigilan ang mga kabataan mula sa paggala tuwing gabi.

Kamakailan lamang ay nagkalat sa social media ang iba’t ibang post tungkol sa mga puting van na umano’y ginagamit para sa kidnapping.

Sa isang viral video, makikitang huminto ang puting van sa tapat ng isang lalaki.

Lumabas ang mga sakay at van at sapilitang ipinasok ang lalaki sa loob ng sasakyan.

Ngunit ayon sa Philippine National Police (PNP), prank o biro lamang ang naturang video.

Ayon sa PNP Anti-Cybercrime Group, marami na raw posts tungkol sa mga puting van na hoax o peke.

“‘Yung ilan ay naganap pa noong 2016 at meron ding pinakahuli, January of 2019. So every now and then, kapag may insidente ng pagkawala ng isang bata ay kaagad na bumabalik ‘yung mga ganitong mga post sa nagdaang panahon at inuugnay muli sa panibagong insidente na siyang nagdudulot pangamba,” ani PNP Spokesperson Bernard Banac.

Nagbabala ang PNP sa publiko na maaaring kasuhan sa ilalim ng Anti-Cybercrime Act ang mga taong gumagawa at nagpapakalat ng mali o pekeng impormasyon.

Dahil dito, nakiusap na si Quezon City Mayor Joy Belmonte na huwag magpakalat ng impormasyong hindi kumpirmado upang maiwasan ang pangamba ng publiko.

Nakausap na rin daw ni Belmonte ang hepe ng Quezon City Police, at sinabi nitong wala naman daw silang natatanggap na ulat ng kidnapping sa lungsod.

Maraming netizens na ang nagpost ng kani-kanilang mga karanasan sa mga puting van na dahan-dahan daw silang nilapitan para lang manakot.

Dahil sa mga post na ganito, may ilang tuluyan nang nagkaroon ng takot sa mga puting van.

Sa isang viral video, makikitang biglang kumaripas ng takbo ang dalawang bata nang may makita silang puting van.

Ang driver ng van sa video na si Dexter Valera, sinabing maraming beses na raw itong nangyari sa kanya.

“Ang nakaka-worry kasi, baka isipin ng mga bata na halos lahat no’ng van na white ay nangunguha talaga although hindi naman,” aniya. —Julia Mari Ornero/NB/FRJ, GMA News