Isang limang-taong-gulang na bata ang nasawi sa Masbate City nang mabagsakan ng TV sa ulo sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong "Tisoy" nitong Martes. Sa Batangas, nasugatan naman ang batang magkapatid nang tamaan ng yero sa ulo at paa.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si April Shy Pacheco, dahil sa pinsalang tinamo niya sa ulo bunga ng bumagsak na TV.

Ayon sa ina ng bata, natutulog noon ang kaniyang anak sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo nang tamaan ang kinalalagyan ng kanilang TV kaya bumagsak at natamaan sa ulo ang bata.

Sa Gasan, Marinduque, naisipan naman ni Bernabe Lundag na mamulot ng niyog habang nanalasa ang bagyo nang mabagsakan siya ng puno sa ulo na agad niyang ikinasawi.

Papauwi naman ang construction worker na si Joel Baledio sa Ormoc City nang mabagsakan din siya ng puno na dahilan ng kaniyang pagkakasawi.

Umabot sa 13 katao ang nasawi dahil sa bagyong Tisoy, at marami rin ang nasugatan.

Kabilang sa mga nasugatan ang magkapatid na Dave Brillion, 6-anyos, at Diana, 10, residente ng San Juan, Batangas.

Kinailangang tahiin ang sugat sa ulo ni Dave, at maging ang sugat sa paa ni Diana na dulot ng bumagsak na yero.

Problemado rin ang kanilang ama na si Danilo dahil napinsala ang kanilang bahay at nadamay pa ang kaniyang motorsiklo na ginagamit niya sa paghahanap-buhay na sorbetes.

Sa Nagcarlan, Laguna, naging maaksyon ang pagsagip sa dalawang bata na na-trap sa kasagsagan ng rumaragasang tubig ng ilog.

Mula sa kabilang pampang, hinagisan ng rescue team ng tali na may salbabida ang dalawang bata at magkasunod silang pinakapit at hinila.

Kuwento ng dalawang paslit,  kasalukuyan silang lumilikas  nang ma-trap dahil sa pagtaas ng tubig sa ilog.

Nang humupa ang bagyo, nakita rin ang pinsalang iniwan ni "Tisoy" sa Libmanan, Camarines Sur na napagtumba ng mga bahay, puno at maging poste ng kuryente.--FRJ, GMA News