Isang dalawang-taong-gulang na bata ang ginagamot ngayon sa ospital matapos na magtamo ng lapnos sa katawan nang aksidente siyang mabanlian ng kumukulong tubig sa Tubay, Agusan Del Norte.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ng ina ng bata na si Cheryl Pacudan, na kasama niya ang anak habang nagluluto sa kusina.

Hindi raw niya namalayan na ginalaw ng bata ang takure na pinaglalagyan ng pinapakuluang tubig at aksidente itong nabuhos sa katawan ng anak.

Kaagad daw siyang humingi ng tulong sa mga kapitbahay para madala sa ospital ang anak.

Nanawagan naman si Pacudan ng tulong para sa pagpapagamot sa anak.

"Kung sino man ang may mabuting puso, humihingi ako ng tulong para sa bata; para maibili ko siya ng mga gamot dahil hindi ko talaga kaya," pakiusap niya.--FRJ, GMA News