Nauwi sa disgrasya ang kasiyahan sa isang perya sa Ynares Complex sa Antipolo City nang kumalas ang isang upuan ng spiral jet ride at tumilapon ang dalawang sakay nito. Isa pa ang nadamay.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, makikita sa video ang lalong pagbilis ng ikot ng ride nang biglang natanggal ang isang upuan.

Tumilapon ang dalawang sakay nito at may isa pa umanong nadamay.

Kaagad namang sumaklolo ang mga bantay ng ride pati ang mga nakasaksi at dinala sa pagamutan ang mga biktima.

Sa hiwalay na ulat sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho," sinabing sinagot daw ng pamunuan ng ride ang lahat ng mga gastusin sa pagpapagamot sa mga biktima.

Puwede raw pumunta sa kanila ang mga biktima anumang oras.

Inilarawan naman ng isang lalaki na "kaunting" aberya lang ang nangyari.

Hindi pa raw malinaw kung anong dahilan kung bakit kumalas ang upuan ng ride.-- FRJ, GMA News