Inaresto ng mga pulis ang isang faith healer sa bayan ng Naic sa lalawigan ng Cavite matapos ireklamo ng pangmomolestiya at panggagahasa ng kaniyang mga pasyente.

Kinilala ng mga pulis ang suspek na si Arturo Solon.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing ikinuwento ng mga biktima (na ayaw banggitin ang mga pangalan) na kapwa sila “nabarang” kaya humingi sila ng tulong sa suspek na faith healer.

Ayon sa kanila, isinailalim sila sa hipnotismo ng suspek at naging sunod-sunuran na sila sa kanya.

Hinipuan umano ng suspek ang isa sa kanila habang ang isa naman day ay ginahasa.

Salaysay ng mga pulis, nahimasmasan lang daw ang mga biktima nang makauwi na sila sa kanilang mga bahay. Agad na dumulog ang mga biktima sa mga pulis.

Sa presinto, umamin ang suspek na hinawakan niya sa maselang bahagi ng katawan ang mga biktima, pero bahagi lang daw iyon ng kaniyang panggagamot. —LBG, GMA News