Patay ang isang truck driver at nasugatan ang tatlo niyang kasama nang bumaligtad ang minamaneho niyang truck at bumangga sa poste, na hinihinalang dahil sa ashfall sa Calamba, Laguna kaninang madaling araw.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang nasawing biktima na si Gilbert Dawal Briones, na galing daw sa Cabuyao at papunta sanang Metro Manila.

Ayon sa na imbestigasyon, nahirapan daw na makakita si Briones habang nasa biyahe at nawalan ng kontrol sa truck pagdating sa kurbada.

Bumaligtad ang truck at tuluyang bumangga sa poste.

Puno raw ng abo na ibinuga ng bulkang Taal ang windshield ng truck nang makita sa aksidente.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.--FRJ, GMA News