Naging pahirapan sa mga bumbero ang pagresponde sa isang truck na nagliyab matapos tumagilid dahil sa pagsabog ng karga nitong LPG tanks sa Mabinay, Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabi ng mga awtoridad na patungo sana sa Dumaguete City ang truck nang tumagilid ito sa Barangay Lumbangan.

Dahil sa pagtagilid, sumabog ang mga karga nitong tangke ng LPG at nadamay pa ang isang tindahan.

Tumagal ng ilang oras ang pagsisikap ng mga bumbero na mapatay ang apoy.

Nagsampa ng reklamo ang may-ari ng tindahan na nadamay sa sunog.

Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver at pahinante ng truck.--FRJ, GMA News