Nagpista ang mga residente sa isang barangay sa Romblon, Romblon dahil sa napakaraming isdang tulingan na kanilang nalambat malapit lang sa dalampasigan.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Biyernes, sinabing sa dami ng isdang nahuli sa barangay Sawang, ipinamigay na lang ang iba  habang ibinenta naman ang iba sa murang halaga.

Sa social media post naman ng isang YouScooper, makikita ang malaking ngiti sa labi ng mga residente dahil bihira umanong mangyari ang pagkakahuli sa napakaraming tulingan at halos nasa tabi lang ng dalampasigan.

Sa mga video rin na makikita sa social media, makikita na nagtatalunan pa ang mga isda habang kinukuha sa inilatag nilang mga lambat.

Ayon naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resource (BFAR), normal lang ang naturang pangyari at hindi dapat iugnay sa kahit anong phenomenon.--FRJ, GMA News