Wala nang buhay at duguan nang tadnan ng mga awtoridad sa bahay ang isang babaeng pulis na sinasabing binaril ng kaniyang mister na pulis din sa Tubigon, Bohol.
Kinilala ng pulisya ang nasawing policewoman na si Police Staff Sergeant Juliet Tuquib, nakatalaga sa Clarin Police Station. Sugatan naman sa tama ng bala sa mukha ang kaniyang mister na si Police Staff Sergeant Ariel Tuquib, na nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU).
Nangyari umano ang insidente dakong 7 a.m. nitong Lunes sa bahay ng mag-asawa sa Sitio Ingod sa Barangay Centro.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng kasambahay ng mag-asawa na si Analie Ido Suaybagiou, na nasa kusina siya nang makarinig ng putok mula sa kuwarto ng mag-asawa na nasa ikalawang palapag.
Nang dumating ang mga rumesponding pulis, sapilitan nilang binuksan ang kuwarto at nakita ang duguang bangkay ng biktima. Nakaupo naman sa kama ang suspek na duguan din sa tama ng bala sa mukha.
Nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang isang 9mm caliber pistol, Glock 17 na may mga baka, cellphones at dalawang basyo ng 9 mm na baril.
Dinala si Ariel sa Tubigon Community Hospital dahil sa tinamo nitong sugat. Kritikal umano ang kaniyang kalagayan.
Problema sa pamilya ang isa sa mga nakikita ng pulisya na motibo sa krimen. Madalas din umanong magtalo ang mag-asawa.
Ayon kay Police Colonel Jonathan Cabal, acting provincial director, may problemang kinakaharap sa trabaho si Ariel dahil sa mental condition.
"May history of nervous breakdown. Dahil niyan hindi siya maka-duty nang maayos," ayon kay Cabal, tungkol sa "disability discharge" na kinakaharap ng suspek.— FRJ, GMA News
