Na-rescue ng mga awtoridad ang limang dalagitang menor de edad sa Lucena City sa lalawigan ng Quezon na ibinubugaw umano ng isang gay man (bakla) upang makipagtalik sa mga lalaking customer.

Arestado na man sa isinagawang entrapment operation ng mga elemeto ng National Bureau of Investigation (NBI)-Lucena ang suspek na kinilalang si Mark John Salceda.

 

Photo by Peewee Bacuño
Photo by Peewee Bacuño

Kasama ng NBI ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) nang i-raid ang isang hotel kung saan dinadala ng suspek ang mga dalagita. May edad 15, 16, at 17 ang mga biktima.

Ginagamit umano ng suspek ang Facebook sa paglalako ng mga dalagitang kaniyang ibinubugaw. Nakikipagtransaksyun naman umano ang mga biktima nito sa pamamagitan ng text messaging.

Sa isinagawang raid sa Lucena City, nagpanggap umanong customer ang isang ahente ng NBI.

Hindi na naitanggi ni Mark John ang kanyang ginagawa. Nakuha sa kanya ang marked money at ilang condom na ibinibigay niya sa mga customer.

Ayon kay Mark John, dalawang taon na raw niya itong ginagawa dahil sa hirap ng buhay. Alam naman raw niyang masama ito. Hindi naman raw niya pinipilit ang mga dalagita.

Ayon kay NBI Lucena Chief Dominador Villanueva, ni-recruit ng suspek na bakla at pinapangakuan ng trabaho at easy money ang mga dalagita kapalit ng pakikipagtalik upang makabili sila ng gadget.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Human Trafficking Law ang bugaw at paglabag sa RA 7610 o Child Abuse Law.

Wala raw piyansa sa ganitong mga kaso, pahayag ng hepe ng Lucena NBI.

Pahayag naman ni Mrs. Lourdes Maralit ng CSWD Officer ng Lucena City, itinatanggi pa raw ng dawa sa tatlong dalagita ang kanilang ginagawa pero umamin na raw ang tatlo sa mga ito. Isasailalim na sa counseling ang mga ito. Kakausapin rin raw ang mga magulang ng mga dalagita at iimbestigahan. —LBG, GMA News