Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Camarines Norte o ng buong Bicol ay ginanap ang isang art exhibit ng mga katutubo sa kanila mismong tribo sa bayan ng Jose Panganiban sa Camarines Norte.
Ang mga paintings na ibinida ay likha ng mga kapatid nating katutubo sa Jose Panganiban.
Natutong gumuhit ang mga katutubo dahil sa pagpupursigi at matiyagang pagtuturo ng isang local artist sa bayan na si Artemio Andaya.
Libreng nagturo si Andaya sa mga katutubo dahil naniniwala raw siya na may angking galing at talino ang mga ito.
Nais din daw ng artist na magkaroon ng ibang mapagkakakitaan ang mga katutubo.
Ang mga katutubo ay talagang nag-enjoy at tinanggap nang buong puso ang sining.
Nitong Sabado ang unang araw ng kanilang art exhibit.
Dinaluhan ito ng mga opisyal ng probinsya ng Camarines Norte at bayan ng Jose Panganiban, at pati na mga non-government organizations.
Halos maubos na ang mga paintings ng mga katutubo na mabibili sa murang halaga.
Tatagal ang art exhibit hanggang sa Marso 17. —KG, GMA News
