Sa kabila ng enhanced community quarantine, "napuno" pa rin ng mga parokyano ang misa sa Holy Rosary Parish sa Angeles City, Pampanga sa pamamagitan ng mga larawan na ipinadala ng daan-daang pamilya na idinikit sa mga upuan. 

Sa ulat ni Shai Lagarde ng "Stand For Truth," sinabing 900 pamilya na ang nagpadala ng kanilang mga larawan sa simbahan, at patuloy pa rin ang pagpapadala nila sa pamamagitan ng e-mail at social media.

Ginawa ito ng simbahan kasabay ng paggunita ngayong Semana Santa na nagsimula noong Palm Sunday.

READ:  Pari sa Germany, nakaisip ng paraan para 'makadalo' sa misa ang mga tao sa kaniyang parokya

"We are thinking how to include our parishioners virtually para sa kanilang pagsisimba rin at kami rin bilang mga pari, hindi namin mararamdaman na talagang walang tao sa loob ng simbahan," sabi ni Rev. Fr. Mark de Leon, pari sa Holy Rosary Parish.

"Pisambang Maragul" ang tawag ng mga parokyano sa kanilang parish na nangangahulugang "malaking simbahan."

Patuloy ang pagsasaayos sa simbahan matapos ang 6.1 magnitude na lindol sa kanilang lugar noong Abril nang nakaraang taon.

Bago ang online streaming ng mga misa, nagpapalabas din ang simbahan ng slideshow ng kanilang mga parokyano para maging interactive at collaborative ang kanilang komunidad.

"Maganda naman daw kasi mas naramdaman nila na kahit na live stream 'yung misa, feeling nila nandidito sila sa loob," sabi ni Fr. De Leon.

"At kami rin bilang pari, ako personally, noong naglalakad kami sa entrance ng misa, habang tinitingnan ang mga picture, sabi kong ganiyan sa aking sarili, sabi nila, ang simbahan walang laman sa Holy Week. But I beg to disagree dahil punong-puno pa rin ang aming simbahan, mas naging makahulugan ang tunay na sambayanan ng Diyos bilang isang pamilya," ayon pa kay Fr. De Leon.

Ikinatuwa ng libo-libo ang viral photos mula sa misa na napuno "virtually" ng church goers.--Jamil Santos/FRJ, GMA News