Dahil sa enhanced community quarantine, kinansela muna ng lokal na pamahalaaan ang mga aktibidad ng pamamanata tuwing Semana Santa sa Pampanga. Pero ang ilang magdarame na pumapasan ng krus, itinuloy pa rin ang kanilang nakagawian.
Sa ulat ni Shai Lagarde sa "Stand For Truth," sinabing maaga nang kinansela ng San Fernando LGU ang mga pamamanata sa San Pedro Cutud noong Marso 10, bago pa ipatupad ng Malacanang ang enhanced community quarantine.
"We respect 'yung mga religious [practice], however ipinagbabawal natin po 'yung mga gathering. Huwag po tayong magkampante, nag-uumpisa lang po tayo, wala pa po tayo sa kataas-taasan," sabi ni San Fernando City Mayor Edwin Santiago.
"'Yung mga nagpapanata po, ituloy niyo po pero nasa bahay lang kayo. Tulad ng Maleldo dati, ang dami pong ibang lahi na pumupunta sa atin. Ngayon po bawal," dagdag pa ni Santiago.
"Traditions persist because they play a specific function in our culture and out society. Isa sa mga unang naapektuhan ang industriya ng turismo pagdating sa COVID-19 at matatagalan bago makapag-recover. Doon naman dumarating 'yung mga pag-identify ng cities sa mga vulnerable sectors at paghahatid ng tulong kung saan ito kinakailangan," ayon kay Ching Pangilinan, Tourism Officer, City of San Fernando, Pampanga.
Hindi muna maisasagawa ang Via Crucis o pagsasadula ng pasyon at pagkapako ni Hesus sa krus sa Barangay San Pedro Cutud sa unang pagkakataon matapos ang anim na dekada dahil sa banta ng COVID-19.
Nakilala ang Cutud dahil sa mga magdarame o nagpapanata, na naglalatigo ng mga sarili o nagpapasan o nagpapapako sa krus.
Si Ruben Enaje na 33 taon nang nagpapapako sa krus, hindi lang role play o eksena kung maituturing ang kaniyang panata, kundi isang taimtim na panalangin.
"Kahit gumaganap ako na Kristo, pero 'yung panata ko nandoon pa rin, taimtim akong nagdarasal 'pag ako'y nakapako na sa krus," sabi ni Enaje.
Nahulog daw noong 1986 sa building mula sa ikatlong palapag si Enaje, pero hindi man lang siya napilay o nagalusan. Dahil sa kaniyang karanasan, nagpasalamat siya sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus.
"Kapag nakapako ka na sa krus, kahit gaano kainit 'yung panahon, wala ka nang mararamdaman na sakit pagkalipas ng dalawang minuto. Pagsimoy ng hangin sa 'yo, pagdampi ng hangin, malamig 'yun. pagkabunot ng pako iba 'yung pakiramdam eh, parang lahat ng mga hirap mo ng ilang oras, mawawala 'yun, parang bagong gising ka sa umaga, ang gaan ng pakiramdam," ayon pa kay Enaje.
Hindi na raw mabilang ang mga biyaya at milagrong natanggap ni Enaje kaya ang panata niya ang paraan ng kaniyang pagpapasalamat.
"Noong malaman ko 'yun na kanselado dahil sa virus na ito, nanlambot ako. Pero ang sabi ko, tama po 'yung ginawa nila, stop muna para sa kaligtasan naman natin," ayon kay Enaje. —Jamil Santos/LBG, GMA News
