Para sa dalawang lalaki na nahuling nagsasabong ng mga manok sa Bacoor, Cavite, pera na pero naging bato pa ang matatanggap sana nilang P6,500 mula sa Social Amelioration Program (SAP), na ayudang pinansiyal ng pamahalaan.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing apat na lalaki, kasama ang dalawang lalaki na benepisaryo ng SAP, ang naaktuhang nagsasabong ng manok sa barangay Zapote 5 sa Bacoor nitong Martes kahit may umiiral na enhanced community quarantine.

Inaresto ang apat at dinala sa presinto dahil sa paglabag sa ipinatutupad na ECQ at ilegal na tupada.

Inamin nila ang pagsasabong at P1,200 umano ang kanilang taya.

Ang dalawa sa mga inaresto, napag-alaman na nakapag-fill-up na sa form ng SAP, na ayudang pinansiyal ng gobyerno sa mga mahihirap sa panahong wala silang pinagkakakitaan dahil sa ipinatutupad na ECQ.

Ayon kay Police Lieutenant Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor Police, hinihintay na lang ng dalawa ang patawag ng barangay kung kailan nila makukuha ang P6,500 dahil hindi umano ito pinagsasabay-sabay dahil sa dami ng mga residente.

Ngunit dahil  sa nahuling nagsasabong, sinabi ni Cabatingan na hindi na makatatanggap na P6,500 na tulong ang dalawa.

Nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang umasa sa suporta ng gobyerno ang mga mahuhuling nagsasabong dahil may pera naman ang mga ito para magsugal.

Matapos naman umanong makuhanan ng larawan ang mga manok bilang ebidensiya, kinatay ang mga ito at ipinakain sa mga nakadetine sa presinto.--FRJ, GMA News