Apat na residente sa isang barangay sa Upi, Maguindanao ang inaresto matapos silang maaktuhang naglalaro ng mahjong habang pinapairal din sa kanilang lugar ang community quarantine kontra sa COVID-19.

Ayon sa GMA News’ COVID-19 Bulletin, naaresto ang apat habang naglalaro ng mahjong na may taya sa Barangay Nuro Poblacion.

Nakuha sa kanila ang mahjong set at perang P700 .

Mahaharap ang apat sa reklamong paglabag sa Anti-Illegal Gambling Act and the Bayanihan to Heal as One Act.

Pinalawig ng pamahalaan ang enhanced community quarantine sa Luzon hanggang hanggang April 30. Samantalang nagpatupad din ng kani-kanilang ECQ ang ilang lalawigan sa Visayas at Mindanao bilang pag-iingat laban sa virus.

Sa ngayon, umaabot na sa 6,459 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kasama ang 428 nasawi at 613 na gumaling.-- FRJ, GMA News