Binansagang "coronnials baby" ang mga sanggol na ipinanganak ngayong may nararanasang krisis sa mundo dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Sila raw ngayon ang nagiging literal na mukha ng pag-asa sa panahong ito ng pandemic.
Ayon sa ulat ni Vonn Aquino sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing ang birong bansag na "coronnials" sa mga sanggol na isinilang ngayong may COVID-19 ay pinaghalong salita na "coronavirus" at "millennial."
Ang dalawa nga sa mga sanggol na itinuturing "coronnials," ginagiliwan ng netizens matapos silang lagyan ng face shield.
Ayon kay Joey Ong, hindi niya maiwasang mag-alala nang ilabas na sa ospital ang kaniyang misis at ang bago nilang baby na si Joselito.
"Sabi sa akin nung nurse parang bawal daw to go, bawal for the baby to go all the way to the parking. So my wife and the baby had to go pass through the lobby and everything," aniya.
"Akala ko kasi nung una parang straight na, so it got me worried. Then, sakto, I thought about it.," patungkol ni Joey sa ginawa niyang face shield.
Ginawa daw niya ang face shield ni baby Joselito isang oras bago niya ilabas ng ospital ang kaniyang mag-ina.
"I went down, I bought the medicines for my wife. Then, nakita ko 'yung bottle, sabi ko, okay pwede ko 'to gamitin. I went up, I went to the nurse station, I burrowed a pair of scissors," kuwento pa ni Joey.
Samantala, ang nanay ni Hans Prince Emmanuel na si Honey, ipinost ang larawan ng anak na mayroong suot na face shield na bigay ng University of Santo Tomas Hospital bilang dagdag na proteksyon din.
Pero hindi lang sa Pilipinas nilalagyan ng face shield ang mga "coronnial" kung hindi maging ang mga sanggol sa isang ospital sa Thailand.
Sa Shanghai, China naman, isang bata ang ginawan ng kaniyang tatay ng personal protective equipment na mukhang space suit. (WATCH: Tatay sa China, gumawa ng inflatable suit para sa anak bilang proteksyon vs COVID-19) --Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News
