Hindi problema sa mga batang nais magpatuli sa Carmona, Cavite kung hindi man sila makapunta sa mga ospital dahil sa enhanced community quarantine at takot na mahawahan ng COVID-19 dahil ang mga magtutuli ang pupunta sa kanila gamit ang "tuli on wheels"

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News' "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sa loob ng van na "tuli on wheels" isinasagawa ang pagtutuli na nakatigil sa harapan ng bahay ng tutuliin.

Dati umanong mobile dental vehicle ng lokal na pamahalaan ang sasakyang ginawang "tuli on wheels," na nagbabahay-bahay sa mga batang tutuliin.

Bilang panigurado sa kalusugan, nakasuot ng personal protective equipment ang mga doktor at nurse na magsasagawa ng pagtutuli. Samantala, sumasailalim naman sa screening at temperature check ang mga tinutuli.

Inaabot umano ng 20 minuto ang proseso ng pagtutuli.

Sa isang araw, nakaka-15 hanggang 20 bata ang tinutuli umano sa Carmona.

Ayon kay Mayor Roy Loyola, simula Abril 1 pa umarangkada ang "Oplan Manhood on Wheels" para isagawa ang pagtutuli sa mga bata.

"Isang magandang project kasi 'di na kami mahihirapan lalo na ngayong may enhanced community quarantine, 'di ba," anang isang nanay.

Sabi ni Loyola, target ng LGU na matuli ang halos 600 kabataan hanggang sa matapos ang programa sa Mayo.

"Nandiyan na 'yong mga gamot namin eh. We've acquired them bago pa mangyari itong enhanced community quarantine," sabi ni Loyola.

Bukod sa pagtutuli, door-to-door din ang pagbakuna sa mga bata at matatanda, habang ang mga buntis naman ay may libreng prenatal checkup.

Nananatiling isa ang kaso ng COVID-19 sa Carmona, at gumaling na ang pasyente.

Samantala, sa buong bansa, umakyat na sa 6,459 ang kaso ng COVID-19. 428 na ang namatay at 613 na ang gumaling.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News