Isinailalim na sa lockdown ang Sitio Zulueta sa Barangay Santo Rosario, Malolos, Bulacan.

Ito ay matapos magpositibo sa rapid testing para sa COVID-19 and isang residente sa katabing barangay, ang Barangay Santiago, ayon sa ulat sa 24 Oras News Alert nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa kapitan ng Barangay Santiago, ang nasabing residente ay isang 40-year-old na lalaki.

Nagpositibo raw siya sa rapid testing para sa COVID-19 na isinagawa ng kanyang pinapasukang kompanya.

Asymptomatic naman daw ang residente, at naka-home quarantine na ang kanyang pamilya.

Isinasagawa na rin daw ang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng nasabing residente.

Ayon sa kapitan ng Barangay Santo Rosario, siya na ang nagpasiya na i-lockdown ang Sitio Zulueta matapos hilingin ito ng mga residente.

Ang lockdown ay tatagal hanggang mag-negatibo sa COVID-19 swab test ang nasabing residente sa Barangay Santiago. —KG, GMA News