Patay sa drug buy-bust operation sa San Pablo, Laguna ang mag-amang suspek din daw sa pagnanakaw ng mga motorsiklo, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Nanlaban daw ang mag-amang Jun at John Lloyd Bernal kaya sila napatay ng mga pulis.

Nakuha mula sa mga suspek ang 10 sachets ng umano'y shabu, mga baril at isang nakaw na motorsiklo.

Huli raw sa CCTV ang modus ng dalawa kung saan itutulak nila palayo ang isang motorsiklong walang bantay at saka paaandarin.

Nabawi naman ang ilang nakaw na motorsiklo matapos matunton ng mga pulis ang talyer kung saan dinadala ang mga ito. Arestado ang may-ari ng talyer bagama't ayon sa kaniya ay hindi niya alam na nakaw ang mga motorsiklong dinadala sa talyer niya.

Ilang sako rin ng spare parts ang nakuha sa nasabing talyer. —KBK, GMA News