Isang grupo ng motocross enthusiasts sa Consolacion, Cebu ang nasita dahil sa paglabag umano sa community quarantine, ayon sa ulat ni Nikko Sereno ng Balitang Bisdak sa Unang Balita nitong Martes.

Rumesponde raw ang otoridad matapos makatanggap ng tip na may gagawing motocross sa Barangay Pulpogan. Nadatnan nila na nagtitipon-tipon na ang mga kasali sa aktibidad dala ang kanilang mga motorsiklo.

Dahil may pinaiiral pang quarantine, pinauwi ang mga motocross enthusiast. Hindi na raw sila hinuli dahil mabilis naman daw silang sumunod sa utos ng otoridad, pero nilista ang kanilang mga pangalan.

Hindi raw dumaan sa opisina ng mayor ang pagdaraos ng motocross.

Magsasampa raw ng kaso ang munisipyo sa mga sangkot sa nasabing aktibidad.

"Hindi natin ito puwede palampasin," ani Mayor Joannes Alegado. KBK, GMA News