Arestado ang isang barangay captain at siyam na iba pa matapos mahuli sa isang umano'y iligal na tupada sa Jaen, Nueva Ecija, ayon sa ulat ng Unang  Balita nitong Martes.

Nahuli ang mga suspek sa compound na pag-aari ng barangay chairman na si Leovegildo Tingzon. Aabot daw sa 60 katao ang nasa lugar na nagpulasan ng dumating ang mga pulis.

Nakuha sa lugar ang mga patay na panabong na manok, mga tari at hinihinalang ipinustang pera na nasa P37,000.

Tumangging magbigay ng pahayag ang barangay chairman. Umamin naman ang isa sa mga nahuli na may nangyayari ngang tupada pero iginiit nito na napadaan lang siya para manuod. --KBK, GMA News