KALIBO, Aklan - Isang 22-anyos na babae ang pinagbabaril hangang sa mapatay ng mga suspek na riding in tandem sa motorsiklo noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Nadine Faith Medina, ayon kay Police Major Belshazzar Villanoche, hepe ng Kalibo Police.

Nangyari raw ang insidente malapit sa Barangay Andagao Elementary School.

Galing daw ang biktima kasama ang ina nito sa drugstore at naglakad na papauwi.

Kaagad namang pinagbabaril ng isang suspek sa dibdib ang biktima.

Tumakas agad-agad ang mga suspek papalayo sa lugar.

Ayon kay Villanoche, inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pagkakabaril sa biktima.

Napag-alaman na bago mangyari ang insidente, plano diumano ng biktima na mag-aral na maging abogado.

Nagpalabas naman ang Kalibo Police ng digital sketch sa pagkakakilanlan sa suspek na bumaril sa biktima. —KG, GMA News