Isa na namang insidente ng pagkakaipit ng binti sa makinang panggiling ang naganap sa Mindanao.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Cotabato nang malusot ang binti ng binatilyong manggagawa sa makina na panggiling ng mais.

ADVERTISEMENT

Kuwento ng mga saksi, nagbubuhat ng sako ng mais ang biktima para ihulog ang mga mais sa gilingan nang aksidenteng lumusot ang kaniyang binti sa butas na kinaroroonan ng makina.

Dahil umaandar ang makina, tuluyan nitong kinain ang binti ng binatilyo.

Kaagad naman daw napatay ang makina pero hindi naging madali ang pag-alis sa binti sa pagkakaipit.

Tumagal pa raw ng halos isang oras bago naalis sa pagkakaipit ang binatilyo at dinala sa ospital kung saan sasailalim siya sa operasyon upang putulin na ang apektadong bahagi ng binti.

Nito lang nakaraang sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," isang trabahador naman sa Zamboanga City ang naipit din ang binti sa gilingan naman ng yelo.--FRJ, GMA News