Nakatanggap na ng tunay na laptop ang estudyanteng nabiktima ng scam matapos itong umorder ng laptop sa isang online app pero mga bato ang dumating. Kasabay nito, naibalik na rin sa estudyante ang mahigit P22,000 na ginastos niya.

Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo DZBB nitong Sabado, sinabing nagtulong-tulong sina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) EDSA Traffic Chief Colonel Bong Nebrija, Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica at negosyanteng si Gabriel Go para mabilhan ang estudyanteng si Arthur Baylon ng laptop. 

ADVERTISEMENT

Ipinahanap ng mga awtoridad si Baylon, na isang third year BS Hospitality Management student sa Iloilo, matapos mapanood sa "Stand For Truth" ang kaniyang kuwento ng pambibiktima sa kaniya ng mga scammer.

Sa panayam ng DZBB kay Baylon, sinabi ng estudyante na tinawagan siya ng grupo nina Col. Nebrija nitong Biyernes, at nakuha rin niya ang padala nila ngayong Sabado ng hapon.

Nagpasalamat ang estudyante sa natanggap niyang donasyon, na malaking tulong na para sa kaniyang pag-aaral.

Sinabi rin ni Baylon na naibalik na rin sa kaniya ang mahigit P22,000 na kaniyang ginastos sa scam sa isang online shopping app. —LBG, GMA News