Masayang kumakanta umano ang isang batang apat na taong gulang sa Negros Occidental  habang sakay ng kabayo at nakapuwesto sa likod ng kaniyang ama nang bigla siyang tumigil sa pag-awit at nalaglag. Ang bata, nabaril na pala.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, inilahad ni Junli Salgado na nangyari ang pamamaril noong pauwi na sila ng kaniyang anak na si John Lloyd sakay ng kabayo.

Bigla umanong tumigil ang kaniyang anak sa pagkanta at nahulog mula sa kabayo, na tinamaan na pala ng bala sa ulo.

Hindi naman nagtamo ng sugat ang ama.

Kinilala ang suspek na si Jigger dela Torre, na ayon sa ama ng bata ay nakaalitan niya noon sa inuman.

Paghihiganti ang isa sa mga iniimbestigahang motibo sa krimen at pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News