Nanghihina na nang matagpuan sa isang hukay at kinalaunan ay binawian ng buhay ang isang babae na anim na taong gulang sa Bacolod City. Ang biktima, hinihinalang pinagsamantalahan.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing nakababa ang saplot pang ibaba ng biktima nang makita siya sa hukay.

Kaagad siyang isinugod sa ospital pero binawian din ng buhay.

Isang lalaking kapitbahay ng biktima ang inaresto dahil nakita raw siyang kasama ang bata sa isang birthday party bago nangyari ang krimen.

Pero itinanggi niya na hinalay niya ang biktima. --FRJ, GMA News