Patay ang acting chairman ng Barangay Lingtan sa Bangued, Abra matapos siyang tambangan at pagbabarilin. Ang biktima, humalili lang bilang punong barangay matapos mapatay sa saksak ang dati nilang opisyal ilang buwan pa lang ang nakalilipas.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing sakay ng maliit na trak si Jason Garcia, 34-anyos, nang pagbabarilin siya ng mga nakatakas na salarin sa Barangay Lipcan kaninang umaga.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ulo ang biktima mula sa kalibre .45 na baril.

Nakaligtas naman ang pinsan ng biktima na nakasakay din sa trak.

Naging acting chairman ng barangay si Garcia nito lang Setyembre nang mapatay sa pananaksak ang dati nilang punong barangay.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na papunta sana sa palengke ang biktima para manguha ng panindang produkto nang tambangan ng mga salarin.

Wala naman maisip na dahilan ang kinakasama ni Garcia para paslangin ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen. --FRJ, GMA News