Dahil sa matinding selos, pinatay sa saksak ng isang mister ang 25-anyos niyang asawa sa Bayambang, Pangasinan. Ang biktima, pinaghinalaan ng salarin na may ka-chat mate.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Geneva De Guzman, na nagtamo ng mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Nadakip naman ang salarin na si Ronmel De Guzman, na aminado sa nagawang krimen dahil sa labis daw na magmamahal niya sa asawa.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na umuwing lasing si Ronmel sa kanilang bahay sa Barangay Zone 6 at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang kaniyang asawa.

"Maraming saksak ang inabot niya," hinanakit ng ama ng biktima. "Ginawa niyang hayop [ang anak ko]."

Ayon sa pulisya, nagalit umano ang salarin nang mahuli umano nitong may ka-chat na lalaki ang biktima.

"Siguro nung nahuli nung huli, naglasing muna. Nung nalasing ayun, wala raw anu-ano, walang pag-aaway na narinig yung mga kapitbahay. Talagang nung umuwi na lasing, pinagsasaksak na yung asawa niya," sabi ni Police Lieutenant Normal Florentino, hepe ng Bayambang Police Station.

Inihayag naman ni Ronmel na nagawa niya ang krimen dahil sa labis na pagmamahal sa asawa.

Aniya, binalewala niya noon ang ginagawang panloloko umano ng asawa dahil mahal niya ito. Pero napuno na raw siya kaya nagawa niya ang krimen.

Humingi ng patawad sa kaanak ng biktima.

Pero hindi naniniwala ang pamilya ng biktima sa alegasyon ni Ronmel.

Nais ng ama ng biktima na makulong ng habambuhay ang pumaslang sa kaniyang anak.

"Pagbayaran niya yung ginawa niya dahil ginawa niyang baboy [ang anak ko]. Maraming saksak ang ginawa kaya kailangan makulong siya ng habambuhay," anang ama ng biktima. --FRJ, GMA News