Isang babaeng kandidata sana sa pagka-summa cum laude sa kursong Bachelor of Science in Education ang pinatay matapos pagnakawan sa Olongapo City, ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa Unang Balita nitong Martes.

Tadtak ng saksak nang matagpuan ang katawan ng biktimang si Jennifer dela Cruz, 20, sa tinutuluyan nitong bahay nitong November 2.

Itinuturing na suspek sa krimen si Ronnel Covarrubias, na dati umanong nobyo ng kapatid ng biktima.

Ayon sa pulisya, tinangay ng suspek ang perang aabot sa P4,000 at alahas na nagkakahalaga ng P80,000. Tumakas ang suspek pero naaresto rin kalaunan sa San Marcelino, Zambales.

Tumangging magbigay ng pahayag si Covarrubias na nahaharap sa kasong robbery with homicide. —KBK, GMA News