Nasawi ang isang abogado sa Cebu City matapos siyang barilin sa labas ng kaniyang opisina at habang kasama pa ang kaniyang maybahay.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Joey Luis Wee, nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Hindi naman nasaktan ang kaniyang asawa.

Paakyat na umano si Wee sa kaniyang opisina nang dumating ang dalawang salarin na nakamotorsiklo at pinagbabaril ang biktima.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Kinondena ng Integrated Bar of the Philippines' Cebu chapter ang ginawang pagpatay kay Wee.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung may kinalaman sa trabaho ni Wee ang ginawang pagpatay sa kaniya at sino ang mga salarin.

Si Wee ang ikalawang abogado sa Pilipinas na pinatay sa loob lang ng isang linggo.
Noong Nobyembre 17, binaril at napatay din ng mga nakatakas na salarin si Atty. Eric Jay Magcamit habang papunta sa pagdinig ng hawak niyang kaso.—FRJ, GMA News