Patay ang isang pulis matapos siyang tambangan at pagbabarilin sa loob ng kaniyang sasakyan habang kasama pa ang kaniyang mag-ina sa Imus, Cavite.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nasa loob pa ng subdibisyon kaninang umaga ang SUV ni Police Captain Ariel Ilagan nang harangin sila ng pulang AUV na walang plaka.

Bumaba ang mga sakay ng AUV na armado ng baril at pinaputukan ang biktima sa loob ng SUV, kasama ang kaniyang misis at anak na babae.

Kaagad na nasawi ang pulis habang nasugatan naman ang kaniyang mag-ina na nagpapagaling na.

Papasok daw sa trabaho sa Southern Police District ang biktima nang mangyari ang pananambang.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ano ang motibo sa krimen.--FRJ, GMA News