Patay ang isang negosyante matapos siyang pagbabarilin kahit kasama pa ang kaniyang misis sa Pagadian City.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Abdul Samad Akang.

Sa imbestigasyon, pauwi na ang biktima at kaniyang asawa na sakay ng tricycle.

Pero habang bumibiyahe, dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang tumapat sa tricycle at basta na lang pinagbabaril ang biktima na kaagad na nasawi.

Away-pamilya o Rido ang isa sa mga tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen.

Patuloy ang imbestigasyon at tinutugis na ang mga salarin.--FRJ, GMA News