Patay ang isang pari matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Malaybalay City, Bukidnon nitong Linggo ng gabi.

Sa ulat ng Police Regional Office X nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Fr. Rene Regalado, 42-anyos.

Natagpuan ang duguang katawan ni Regalado malapit sa Carmelite Monastery sa Barangay 9.

Ayon sa mga awtoridad, may tama ng baril sa ulo ang biktima at may indikasyon din na binugbog dahil sa pinsala sa kaniyang kaliwang mata.

Nakatali rin daw ang mga kamay nito, dagdag ng pulisya.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakarinig umano ng putok ng baril ang isa pang pari na si Fr. Elvis Petros, dakong 7:00 pm subalit hindi niya alam kung saan nagmula.

Ayon naman sa ilang tauhan ng nasabing monasteryo, umalis ang biktima bandang 2:00 pm para magpunta sa Diocesan Formation Center sa Barangay 10.

Huli raw itong nakitang buhay dakong 7:00 pm.

Dati na umanong nakatatanggap ng banta sa kaniyang buhay ang biktima.

May nakita ng mga awtoridad ng isang kalibre .45 na baril at ilang bala sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente at ang pagtugis sa mga salarin. --FRJ, GMA News