Nailigtas ng mga awtoridad ang 22 katao, karamihan ay mga menor de edad at bata, na ginagamit sa online kalaswaan kanilang mga sariling ina at kamag-anak sa Pampanga at Tarlac. Apat ang arestado, kabilang ang isang lola.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita sa video na maliliit pa ang ilang biktima kaya binitbit sila ng mga operatiba ng Philippine National Police - Women and Children Protection Center (PNP-WCPC).

Ang isang lola, kalong-kalong pa ang isang biktima nang maaresto.

Ayon kay Police Colonel Maria Shiela Portento, hepe ng WCPC Anti-Trafficking in Persons Division, magkakasabay na isinagawa ang tatlong operasyon matapos magbigay ng impormasyon ang Australian Federal Police, at U.S. Homeland Security Investigations, at sa resulta ng proactive investigation.

"Doon sa referral nila, sinasabi nilang may facilitator na Pinay at cohorts kung saan nagbebenta sila ng images, videos at nagla-livestream sila na inaabusong seksuwal ang mga batang ito," dagdag ni Portento.

Nakumpiska ang ilang cellphone kung saan nakita ang mga malalaswang larawan at video.

Binanggit ng PNP ang sinasabi ng kanilang foreign counterparts na tumaas ang aktibidad ng online human trafficking mula nang magkapandemya.

"Andoon ang mga tao online. 'Yung mga facilitator natin naka-lockdown sa bahay, hirap magtrabaho, hirap kumita," sabi ni Portento.

Karamihan sa mga parokyano ng mga biktima ng pang-aabuso ay mga dayuhan, na nagbabayad ng P1,000 hanggang P3,000 para sa serbisyo.

Ang nadakip na si "Aling Bebang," hindi niya tunay na pangalan, inihayag na 2017 pa siya nagsimula sa online sexual activity, na sarili ang ibinibenta noon.

"Hindi ko naman po talaga sinasalang 'yung anak ko kaya lang talagang nangangailangan lang po," ayon kay Aling Bebang.

Dagdag ng suspek, alam ng mga kapitbahay niya sa Pampanga ang kaniyang gawain.

"Sa kanila lang din po ako gumaya, marami ho sa amin 'yan eh," ani Aling Bebang.

Nagpaalala ang PNP sa publiko na isumbong ang mga ganitong aktibidad, na may parusang habambuhay na pagkakakulong.--Jamil Santos/FRJ, GMA News