Patay ang isang 8-anyos na bata matapos tadtarin ng saksak sa Mabalacat, Pampanga, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Martes.

Suspek sa pananaksak ang kinakasama ng ina ng biktima, na sugatan din sa insidente. Kinilala ang suspek na si Brian Fajardo.

Ayon sa pulisya, parating nag-aaway si Fajardo at ang ina ng biktima na si Marjorie Magno. Bago ang krimen, nagtalo raw ang dalawa matapos makita ni Magno na may ka-text si Fajardo. Nauwi raw sa saksakan ang pagtatalo.

Tinamaan daw ng saksak ang batang si Zafiro Fritz Gaila matapos niyang yakapin ang ina. Sinubukan daw tumakas ng bata ngunit hinila pa rin ito ng suspek at pinagsasaksak.

Nang makatiyempo, humingi ng tulong si Magno sa mga kapitbahay. Nahuli si Fajardo sa tulong ng mga kapitbahay at tanod.

Tumangging magbigay ng pahayag si Fajardo. —KBK, GMA News