Inaresto ng  Airport Police Department sa San Fernando, Pampanga, ang dalawang suspek na sangkot umano sa “love scam,” ayon sa ulat ni Mao dela Cruz sa Super Radyo dzBB nitong Lunes.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Airport Police Chief Colonel Adrian Tecson na nahuli ang dalawang suspek sa isang entrapment operation.

Ayon sa ulat, aabot sa P10 milyon ang nakuha ng mga suspek mula sa 62-anyos na biktima mula pa noong Marso.

Nakikipag-ugnayan muna raw ang mga salarin sa biktima sa Facebook hanggang sa humantong ito sa relasyon, ayon kay Tecson.

"'Yung babae usually sasabihan 'yung lalaki na may ipapadalang bagahe na diumano may lamang alahas, another valuables at na-hold sa Customs. Hihingi po ng pera 'yan para mailabas ‘yung diumanong bagahe," aniya.

Ikinasa ng mga awtoridad ang operasyon pagkatapos dumagsa ang mga reklamo na natanggap nila mula sa mga biktima nitong nakaraang linggo.

Ayon sa mga awtoridad, napag-utusan lang daw ang mga naarestong suspek. Sinabi ng isa sa kanila na inutusan daw siya ng kanyang pamangkin na asawa ng isang Nigerian.

Kasalukuyang nakapiit sa Airport Police Department Headquarters ang mga suspek. Joviland Rita/KBK, GMA News