Wala nang buhay, may sugat sa ulo at posibleng ginahasa pa ang isang walong taong gulang na babae na natagpuang palutang lutang sa ilog sa Nasugbu, Batangas.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing natagpuan ang bangkay ng biktima noong Miyerkoles, Hunyo 9.

Wala na itong suot na underwear at nagtamo ng sugat sa kanang bahagi ng kaniyang ulo.

Sinabi ng mga awtoridad na posibleng hinampas muna sa ulo ang biktima bago sinakal.

Ayon sa isang saksi, huli niyang nakita na buhay ang biktima ala-una ng hapon ng Hunyo 8.

Kasama ng bata ang kapitbahay nitong suspek na naglalakad sa ilog.

Dinakip ang kapitbahay sa follow-up operation.

Hinihintay pa ang medico-legal findings para matukoy kung ginahasa ang biktima. —Jamil Santos/LBG, GMA News